--Ads--

Umabot sa halos 24,000 katao ang naapektuhan ng bagyong Crising sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, Hulyo 18.

Sa inilabas na ulat ng NDRRMC alas-6 ng umaga, kabuuang 7,501 pamilya o 23,918 katao mula sa 56 barangay sa Western Visayas, Central Visayas, at Soccsksargen ang naapektuhan, karamihan ay dahil sa malawakang pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan.

Naitala rin ng NDRRMC na nasa 38 pamilya ang lumikas sa mga evacuation center sa Western Visayas, habang 77 naman sa Soccsksargen. Ang iba ay naghanap ng pansamantalang matutuluyan sa alternatibong lokasyon.

--Ads--

Bukod sa pagbaha, iniulat din ng NDRRMC ang mga pagguho ng lupa sa Barangay Lagtang sa Talisay, Cebu, at sa mga barangay ng Apas at Poblacion Pardo sa Cebu City.

Isang kabahayan rin ang naiulat na nasira sa Barangay Sibalom sa Antique.

Patuloy na minomonitor ng NDRRMC ang sitwasyon habang inaabisuhan ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking ligtas ang kanilang mga nasasakupan at maghanda sa posibleng paglala ng lagay ng panahon.