CAUAYAN CITY- Hindi natuloy ang nakatakda sanang pagbubukas ng NIA-MARIIS ng isang spill way gate na may 1 meter opening sa Magat Dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes ang Flood Control and Instrumentation Section Head ng NIA-MARIIS,sinabi niya na ang dahilan ng pagkaantala ng pagpapakawala ng tubig ay dahil sa mababang antas ng tubig ulan sa magdamag sa Magat water shed na umabot lamang sa 7.28 millimeters.
Sa ngayon nanatiling mababa ang water elevation ng dam na 184. 07 meter above sea level, wala ding recorded na pag-ulan ang mga instrumento ng ahensya.
Pangunahing dahilan sa mababang antas ng ulan ay dahil sa bahagyang pagtaas at paglihis ng Bagyong Crising sa Magat Water Shed Area na sakop ng NIA-MARIIS.
Nilinaw naman niya na hindi ito nangangahulugan na hindi na magpapakawala ng tubig ang NIA-MARIIS sa mga susunod pang Linggo lalo at may iba pang weather disturbances silang namomonitor maliban kay Bagyong Crising.
Nanatili namang sarado ngayon ang gate para sa irrigation kaya ang tubig ay derektang dumadaloy sa MARIIS dam na wala ring inaasahang malaking epekto sa antas ng tubig sa Magat river kaya naman hinikayat ang Power generation counterpart ng ahensya na imaximize ang paggamit ng tubig para sa paglikha ng kuryente.











