CAUAYAN CITY- Naghahanda na ang ilang mga residente sa mga low lying areas sa lungsod ng Cauayan sakaling tumaas ang antas ng tubig.
Bagaman sa kasalukuyan ay nasa normal pa rin ang lebel ng tubig, para sa mga residenteng madalas makaranas ng pagbaha ay hindi pwede ang magpakampante.
Gaya ng pamilya ni kuya Leo Telan na maagang nag-ayos at inilagay sa mga box at supot ang kanilang mga gamit.
Aniya, mula sa buwan na ito hanggang Disyembre nila aasahan ang senaryo na sila ay lilikas dahil sa pagtaas ng tubig.
Ang kanilang bahay kasi ay malapit sa ilog na madalas umapaw kapag may malakas na pag ulan o kaya’y bagyo.
Aniya, sanay na sila sa ganitong sitwasyon at hindi na bago sa kanila ang lumikas at makaranas ng pagbaha.
Tiwala naman ito na may tulong silang matatanggap mula sa LGU sakaling pumunta sila sa matataas na lugar.











