--Ads--

Bilang lead agency ng Disaster Response Cluster, pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 ang isang virtual meeting kaugnay ng kahandaan ng mga field offices nito para sa mga response activities kaugnay sa bagyong Crising.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2 sinabi niya na naibahagi sa nasabing pulong ang mga inihanda ng bawat field offices.

Ibinahagi ni DSWD FO2 Disaster Response Management Division (DRMD) OIC-Division Chief Mylene Attaban ang mga update sa kanilang mga paghahanda, kabilang ang standby funds, available logistics, at ang pagde-deploy ng Quick Response Teams (QRTs), Social Welfare and Development Teams (SWADTs), at City/Municipal Action Teams (C/MATs).

Layon ng mga hakbang na ito na mapaghandaan ang posibleng epekto ng Bagyong Crising.

--Ads--

Nananatili naman sa heightened alert ang DSWD Region 2 habang patuloy na minomonitor ang posibleng naging epekto ng bagyo sa Cagayan Valley.

Una nang na-activate ang kanilang Quick Response Team bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.

Kasabay nito, mahigpit din ang koordinasyon nila sa iba’t ibang local government units (LGUs) upang matiyak ang maagap at epektibong pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng masamang panahon.

Samantala tiniyak ng Regional Director na may sapat na nakaimbak na family food packs at non-food items ang ahensya bilang augmentation support sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.

Aniya, naiposisyon nang mas maaga ang mga food at non-food items sa mga LGU upang agad itong maipamahagi sa mga maaapektuhang residente.

Sa kasalukuyan, mayroong 50,194 food packs na handang ipamahagi na may kabuuang halaga na Php31.36 milyon. Dagdag pa rito, may 19,193 non-food items na nakaimbak sa mga warehouse ng ahensya at maaaring ilabas kung kinakailangan.

Patuloy na mino-monitor ng DSWD FO2 ang lagay ng panahon at ang sitwasyon sa mga probinsya ng rehiyon upang matiyak ang agarang pagtugon at pagbibigay ng tulong sa mga posibleng maaapektuhan.