Nagpaalala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa lahat ng mga Chief Executives sa lalawigan na manatiling alerto at bantayan ang kani-kanilang mga nasasakupan kaugnay sa banta ng Bagyong Crising.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niyang una na siyang naglabas ng direktiba upang paghandaan ang posibleng epekto ng bagyo.
Ayon sa gobernador, patuloy ang mahigpit nilang monitoring. Sa kasalukuyan, passable o nadaraanan pa rin ang lahat ng mga kalsada at pangunahing tulay sa Isabela, na aniya’y positibong senyales na hindi pa masyadong tumataas ang tubig sa Ilog Cagayan at iba pang water tributaries. Gayunman, pinaalalahanan niya ang mga lugar na madalas bahain na maging maingat at laging handa.
Nagpaalala rin si Governor Albano sa publiko na umiiral pa rin ang liquor ban sa mga pampublikong lugar, at may kaukulang parusa ang sinumang mahuhuling lalabag dito.
Tiniyak ng gobernador na patuloy silang nakaantabay sa sitwasyon hanggang sa mag-landfall at tuluyang makalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naturang sama ng panahon.











