--Ads--

Isang malagim na vehicular accident ang naganap sa bahagi ng Aurora, Isabela na kinasangkutan ng dalawang van na patungong Tabuk City, Kalinga mula Baguio City, at isang elf truck.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Terrence Tomas, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na batay sa inisyal na pagsisiyasat, patungo sa lungsod ng Santiago ang truck habang magkasunod naman na binabagtas ng dalawang van ang kasalungat na direksyon.

Umagaw umano ng linya ang truck dahilan upang mahagip nito ang nauunang van na may sakay na 16 pasahero tsaka bumangga ulit sa sumusunod na van na may lulang 9 na katao.

Walo ang naitalang dead on arrival sa ikalawang van kabilang ang driver  habang unconscious pa sa ngayon ang isang pasahero nito.

--Ads--

Dalawa naman ang nagtamo ng injury sa unang Van at isa ang wala pang malay at patuloy na inooberbahan sa pagamutan.

Sa walong napaulat na nasawi, apat sa mga ito ang napangalanan na habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng apat na iba pa.

Ayon kay PCapt. Tomas, human error ang isa sa mga tinitingnang sanhi ng inisidente.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Aurora Police Station ang truck para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Samantala, ibinahagi naman sa Bombo Radyo Cauayan ng isa sa mga pasahero ng Van na si Jers Sabado ang karanasan nito sa naganap na insidente.

Ayon kay Sabado, nakaupo siya sa gitnang bahagi ng van kaya minor injuries lamang ang kanyang tinamo. Isa sa mga katabi nito ang nasa kritikal na kalagayan.

Karamihan sa mga sakay ng mga van ay mula sa Tabuk City, Kalinga at bumiyahe sila mula Baguio City kagabi.

Hindi naman matukoy ni Sabado kung sino ang may sala sa insidente dahil natutulog siya nang mangyari ang banggaan.

Bagamat labis ang trauma na kanyang dinaranas, nagpapasalamat siya na hindi malubha ang kanyang mga sugat.

Ayon kay Sabado, hindi pa niya iniisip sa ngayon ang pagsasampa ng kaso at nais muna niyang pagtuunan ng pansin ang kaniyang paggaling mula sa tinamong sugat at emosyonal na pinsala.