--Ads--

Nagpaabot ng pakikiramay ang Pamahalaang Lungsod ng Tabuk sa siyam na biktimang nasawi sa karambola ng dalawang van at isang elf truck sa Aurora, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aurora Amilig, tagapagsalita ng LGU Tabuk, sinabi niyang nakahanda ang lokal na pamahalaan na magbigay ng tulong sa mga naiwang pamilya ng mga biktima.

Ayon kay Amilig, kabilang sa mga nasawi si Fr. Victor Sibayan, na kamakailan lamang naordinahan at nakatalaga sa St. Liam’s Parish. Lubos umano ang pagdadalamhati ng buong parokya sa kanyang pagpanaw.

Batay sa impormasyong kanilang natanggap, galing ng Baguio City ang dalawang van na may sakay na mga biktima at pauwi na sana sa Kalinga nang mangyari ang aksidente.

--Ads--

Sa ngayon, muling pinag-aaralan ng LGU Tabuk ang patakaran kaugnay ng pagbiyahe ng mga pribadong van patungong Baguio City. Ayon kay Amilig, matagal nang ipinagbabawal ang malalayong biyahe ng mga private van at tanging hanggang 64 kilometro lamang ang pinapayagang ruta, tulad ng biyahe mula Kalinga patungong Tuguegarao City, base sa kanilang mga permit.

Bagaman may mga naitalang biyahe ng private van patungong Baguio sa mga nakalipas na taon, ito ang unang pagkakataon na may naitalang ganito karaming bilang ng nasawi.