--Ads--

CAUAYAN CITY – Tila dalawang beses na nagdiwang ang Pilipinas matapos gawing 2-0 ng mga Pilipinong boksingero ang scorecard sa undercard ng Pacquiao vs. Barrios Fight sa MGM Grand Arena.

Hindi naging madali para kay Mark Magsayo ang panalo laban kay Jorge Mata Cuellar ng Mexico sa kanilang 10-round super featherweight bout.

Ngunit sa kabila ng matinding palitan, nanaig si Magsayo sa pamamagitan ng unanimous decision.

Dalawa sa mga hurado ang nagbigay ng iskor na 100-90 pabor kay Magsayo, habang ang isa ay 98-92.

--Ads--

Sa naturang laban, ipinamalas ni Magsayo ang kanyang dating lakas bilang featherweight world champion.

Dinomina niya ang ika-apat na round gamit ang sunud-sunod na matitinding suntok, na naging susi sa kanyang pag-angkin ng WBC Continental Americas belt.

Umangat ang kanyang record sa 28 panalo, 2 talo, at 18 knockouts.

Matapos ang tagumpay ni Eumir Marcial na tinapos ang laban sa ikatlong round kontra sa Amerikanong si Bernard Joseph, lalong umigting ang posibilidad na muling umakyat si Magsayo sa world title picture.

Matatandaang tinanghal siyang WBC featherweight champion noong Enero 2022 nang talunin si Gary Russell Jr.

Sa main event, balik aksyon si Manny Pacquiao matapos ang apat na taong pagreretiro, para hamunin ang WBC welterweight champion na si Mario Barrios.