CAUAYAN CITY-Walang naitalang maritime incident ang Philippine Coast Guard (PCG) Northeastern Luzon kaugnay ng pananalasa ng Bagyong Crising sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign Ryan Joe Arellano, Public Information Officer ng PCG Northeastern Luzon, inihayag niyang walang naitalang pasaherong na-stranded sa mga pantalan sa kanilang nasasakupan. Gayunman, isang foreign vessel ang naantala ang paglalayag patungo sa ibang bansa dahil sa sama ng panahon.
Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling nakataas ang no sail policy sa limang Coast Guard stations sa rehiyon bunsod ng patuloy na pagtaas ng alon sa karagatan na umaabot sa mahigit limang metro.
Dagdag pa ni CG Ensign Arellano, aktibong nakilahok ang kanilang hanay sa evacuation efforts para sa mga residenteng apektado ng bagyo, partikular sa lalawigan ng Cagayan.











