Bilang tugon sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Crising, agad na nagpaabot ng tulong ang DSWD Region 2 sa anim na pamilyang nawalan ng tirahan sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Batay sa ulat ng ahensya noong Hulyo 12, 2025, anim na kabahayan ang nasira sa nasabing lugar—isa ang tuluyang nawasak, habang lima naman ang bahagyang napinsala. Lima sa mga ito ay matatagpuan sa Brgy. Baua at isa sa Brgy. Ipil.
Nagbigay ang DSWD ng family food packs, sleeping kits, at family kits bilang paunang tugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Gonzaga, ang mga nasirang bahay ay matatagpuan malapit sa ilog. Bunga ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagtaas ng tubig, ilang bahay ang inabot ng baha at nasira.
Sa kasalukuyan, pansamantalang naninirahan sa evacuation center ang isang pamilyang nawalan ng bahay. Patuloy ang koordinasyon ng DSWD Region 2 sa lokal na pamahalaan upang matiyak na maipagkakaloob ang karagdagang tulong sa mga nasalanta ng bagyo.











