--Ads--

Isang pambihirang bato na pinaniniwalaang pinakamalaking piraso ng Mars na natagpuan sa Earth ang naging tampok sa isang auction ng Sotheby’s sa New York.

Ang naturang meteorite, na may bigat na 25 kilo at kilala sa technical name na NWA 16788, ay tinatayang nagkakahalaga ng hanggang $4 milyon. Ayon sa Sotheby’s, ang bato ay nagmula sa Mars matapos itong maapektuhan ng isang malakas na pagtama ng asteroid.

Tinayaang naglakbay ito ng humigit-kumulang 225 milyong kilometro bago bumagsak sa Sahara Desert sa Nigeria, kung saan ito nadiskubre ng isang meteorite hunter noong Nobyembre 2023.

Nakumpirma ang pinagmulan ng bato matapos suriin ang maliit na bahagi nito sa isang laboratoryo. Inihambing ang komposisyong kemikal ng bato sa datos mula sa Viking space probe na lumapag sa Mars noong 1976.

--Ads--

Natukoy na ang meteorite ay isang “olivine-microgabbroic shergottite,” isang uri ng batong Martian na nabuo mula sa mabagal na paglamig ng magma sa planeta.

Sa mahigit 77,000 opisyal na kinikilalang meteorite sa mundo, tinatayang 400 lamang ang mula sa Mars, dahilan kung bakit itinuturing itong isa sa mga pinakapambihirang batong natagpuan sa Earth.