Nasawi ang magkapatid matapos malunod sa bahagi ng Ilog Cagayan sa bayan ng Alcala, Cagayan noong Sabado, Hulyo 20.
Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang isa sa magkapatid ay nagtungo sa ilog upang paliguan ang kanilang kalabaw, ubalit nang mapansing lumalayo ang alagang hayop ay agad niya itong sinundan ngunit sa kasamaang-palad siya ay nalunod.
Nakita ng kanyang kapatid ang insidente at tinangkang sagipin ito ngunit napatid siya sa lambat o fish net sa ilog na siyang naging sanhi rin ng kanyang pagkalunod.
Ayon kay Ibara isang dating kagawad ng Barangay at nakasaksi sa insidente, agad niyang ipinaalam sa mga kinauukulan ang pangyayari.
Unang narekober ang bangkay ng kapatid na napatid sa lambat dakong hapon ng Sabado, habang natagpuan naman ang isa pa kinabukasan, Linggo ng umaga.
Batay sa MDRRMO ang mga biktima ay may edad 57 at 63.
Dagdag pa ni Ibara bahagyang tumaas ang lebel ng tubig sa ilog bunsod ng mga pag-ulang dala ng Bagyong Crising na maaaring nakaapekto rin sa insidente.
via Bombo Tuguegarao











