Hindi pabor si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III sa pagpapatupad ng gun ban sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28, sa paniniwalang ang nasabing hakbang ay makakaapekto lamang sa mga may-ari ng lisensyadong baril at hindi sa mga kriminal.
Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ni Torre na konsultahin muna niya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) bago magbigay ng opisyal na rekomendasyon.
Naniniwala si Torre na araw-araw ay may gun ban dahil ang sinumang magdadala ng baril na walang lisensya ay may paglabag sa batas may gun ban man o wala.
Ipinaliwanag pa niya na ang mga kriminal ay kadalasang may dalang baril kahit walang deklaradong gun ban.
Dagdag pa ng PNP chief, tila normal na para sa mga kapulisan na parang may laging umiiral na gun ban.
Kaugnay ng paghahanda para sa SONA, inanunsyo rin ng PNP na nasa 11,949 pulis ang itatalaga sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang tiyakin ang seguridad.
Magkakaroon din ng command center sa Batasan Police Station at multi-agency coordinating center sa Camp Karingal, sa Quezon City Police District headquarters.











