Umabot sa P394,450 ang inisyal na halaga ng pinsalang naitala sa livestock at poultry industry sa Cagayan dahil sa bagyong ‘Crising’ base sa datos ng Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian IV ng PVET, limang bayan sa Cagayan ang nakapagtala ng mga hayop na nasawi bunsod ng bagyo. Kabilang dito ang mga bayan ng Allacapan, Aparri, Baggao, Gattaran, at Peñablanca, Cagayan.
Ang pagkalunod dahil sa malakas na buhos ng ulan at pagbaha ang pangunahing dahilan ng pagkasawi ng nasa 25 alagang hayop gaya ng kalabaw, baboy, kambing, manok, pato, at pabo.
Samantala, nakahanda naman ang Provincial Government of Cagayan (PGC) na mamahagi ng tulong sa mga naapektuhan dahil sa naranasang kalamidad.











