--Ads--

Tinanggihan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang mga petisyon para sa piyansa na isinampa ng kampo ni Pastor Apollo Quiboloy kaugnay ng kasong qualified traffickingor sexual abuse at labor exploitation.

Sa kautusang may 23 pahina na may petsang Hulyo 20, ibinasura ng korte ang magkakahiwalay na petisyon nina Quiboloy, Sylvia Cemañes, Paulene Canada, Jackielyn Roy, Cresente Canada, at Ingrid Canada.

Nilinaw ng korte na ang desisyong ito ay hindi pa nangangahulugang tapos na ang usapin. “Ang desisyong ito ay may layuning resolbahin lamang ang petisyon para sa piyansa at hindi pa ang kabuuang merito ng kaso,” ayon sa korte.

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, abogado ni Quiboloy, magsusumite sila ng mosyon para muling pag-isipan ng korte ang desisyon sa lalong madaling panahon.

--Ads--

Pahayag din niya na wala silang kaugnayan sa mga online na bantang ipinadala sa mga hukom ng Pasig courts.

“Wala po kaming kinalaman doon. Sana ang sinumang nasa likod nito ay tunay na maimbestigahan at masampahan ng kaso dahil nakasasama ito sa ating sistemang panghustisya.”

Sa kabilang banda, ikinatuwa ng kampo ng nagrereklamo ang pasya ng hukuman.

Si Quiboloy ay nahaharap sa non-bailable na kasong qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, bilang amyendado. Mayroon din siyang hiwalay na kaso sa QC court sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 — ang batas para sa espesyal na proteksyon ng mga bata laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, at diskriminasyon