Magsasagawa ng mas pinaigting na kampanya ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa lungsod ng Cauayan laban sa mga stray animals, partikular sa mga galang aso, alinsunod sa muling pagpapatibay ng City Ordinance No. 2008-004 o “An Ordinance Regulating Stray Animals and Providing Penalties.”
Kabilang sa mga makikipagtulungan sa pagpapatupad ng ordinansa ang City Veterinary Office, Public Order and Safety Division (POSD), Rescue Team, mga opisyal ng barangay, at iba pang kaugnay na ahensya.
Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, napagkasunduan na ang mga parusa para sa mga pet owner na lalabag sa ordinansa. Para sa unang paglabag, papatawan ng babala o warning ang pet owner. Sa ikalawang paglabag, huhulihin ang galang hayop at dadalhin ito sa impounding area ng City Veterinary Office. Habang nasa pangangalaga ng City Vet, kailangang magbayad ang pet owner ng halagang P100 kada araw bilang multa at bayad sa kustodiya.
Ipinaliwanag din ni Mallillin na may palugit na animnapu hanggang siyamnapung araw ang pet owners upang kunin ang kanilang mga alagang nahuli, at kung hindi ito makuha sa loob ng itinakdang panahon, ipaaampon ang mga ito sa mga kwalipikado at responsableng pet owners.
Bagaman kinikilala ang papel ng mga aso bilang tagapagbantay ng tahanan, posibleng magdulot ang mga ito ng disgrasya sa mga motorista kung pakalat-kalat sa kalsada.
Layunin ng kampanyang ito na maiwasan ang mga aksidente sa lansangan at mapigilan ang pagkalat ng rabies sa lungsod.











