Aasahan ang patuloy na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong araw ng Martes bunsod ng southwest monsoon o habagat at isang low-pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA ang habagat ay magdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon partikular na sa kanlurang bahagi kabilang ang Ilocos Region, Zambales, at Bataan.
Samantala ang kaulapang dala ng LPA na nasa silangan ng Calayan Cagayan ay nakaaapekto na sa rehiyon kung saan nakakaranas na ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan ang Cagayan Valley lalo na ang silangang bahagi ng Calayan maging ang Bicol Region at MIMAROPA (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan).
Malawak na bahagi ng Visayas ang makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng southwest monsoon pangunahin na sa kanlurang bahagi ng rehiyon tulad ng Western Visayas at Negros Island Region.
Sa Mindanao naman maulap na kalangitan na may mataas na tsansa ng pag-ulan ang mararanasan sa mga lugar ng Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Davao Region, Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City).
Ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay makararanas ng pangkalahatang maayos na panahon ngunit may posibilidad pa rin ng may mga panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog mula hapon hanggang gabi.
Bukod dito patuloy ding minomonitor ng PAGASA ang dalawang low-pressure area sa loob ng PAR.
Isa sa mga ito ay posibleng maging tropical depression bukas araw ng Miyerkules, Hulyo 23.











