Hindi bababa sa anim na katao ang napaulat na nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Severe Tropical Storm Wipha (dating bagyong Crising), habagat, at isang namumuong Low Pressure Area (LPA).
Nakakaranas ang iba’t-ibang lugar sa bansa ng tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng sunud-sunod na weather system.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), anim ang kumpirmadong nasawi, lima ang nasugatan, at anim ang nawawala.
Tatlo sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao, habang may tig-iisang kaso ng pagkamatay sa Mimaropa, Davao, at Caraga.
Tinatayang mahigit 1.2 milyon katao ang apektado sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, at 82,000 dito ang kinailangang ilikas sa mas ligtas na lugar.
Umakyat sa 441 ang mga lugar na nakaranas ng pagbaha, kabilang na ang Metro Manila.
Tinatayang 1,501 bahay ang nasira, na may kabuuang halagang P2.6 milyon. Samantala, 73 imprastruktura gaya ng mga flood control projects, kalsada, tulay, at paaralan ang napinsala rin, na tinatayang aabot sa P413 milyon ang halaga ng pinsala.
Sa sektor ng agrikultura, 2,579 ektarya ng pananim ang nasira at 2,344 na magsasaka ang naapektuhan. Tinatayang P54.06 milyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura.
Patuloy pa rin ang epekto ng habagat sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.
Nagbabala ang ahensya ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, nakararanas din ng makulimlim na panahon at mga pagkidlat-pagkulog ang Cagayan Valley dahil sa buntot ng LPA na umiiral sa lugar.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na maging alerto at tumutok sa mga opisyal na ulat ng panahon.











