Sinuspinde ng Malakanyang ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa Metro Manila at 36 na iba pang lugar sa Miyerkules, Hulyo 23 batay sa inilabas na Memorandum Circular No. 90 ng Palasyo ngayong Martes, Hulyo 22, 2025
Kinumpirma ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa mga mamamahayag sa Palasyo.
Ayon kay Bersamin, ang suspensiyon ay bunsod ng tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan na dulot ng habagat o southwest monsoon.
Batay sa Memorandum Circular No. 90, ang mga lugar na apektado ng suspensiyon bukod sa Metro Manila ay ang mga sumusunod:
Region I: Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union
Region III: Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija
Region IV-A: Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon
Region IV-B: Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan
Region V: Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes
Region VI: Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental
CAR (Cordillera Administrative Region): Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet
Region II: Nueva Vizcaya
Nakasaad sa memorandum na ang suspensiyon ay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na sa mga lugar na may mataas na banta ng pagbaha at landslide.
Tanging mga ahensyang may kinalaman sa disaster response, health services, at iba pang essential services ang inaasahang papasok sa trabaho sa ilalim ng naturang kautusan.
Pinapayuhan naman ang publiko na manatiling alerto at subaybayan ang mga abiso mula sa kani-kanilang lokal na pamahalaan at opisyal na ahensya ng gobyerno.











