--Ads--

Ihahatid na sa kaniyang huling hantungan sa ika-28 ng Hulyo ang isang Pari na kabilang sa mga nasawi sa malagim na aksidenteng naganap sa Aurora, Isabela.

Matatandaan na nitong Sabado, ika-19 ng Hulyo ay nasawi ang walong katao na kinabibilangan ni Reverent Victor Mangulian Jr. matapos araruhin ng isang elf truck ang dalawang van na kinalululanan ng mga biktima.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Princess Lyra Mangulian, pamangkin ni Rev. Mangulian, sinabi niya na kasalukuyang nakaburol ang nasawing Pari sa Conner, Apayao kung saan ito nagmula.

Sa ika-27 ng Hulyo ay ililipat ang kaniyang labi sa Saint William’s Cathedral – Tabuk City kung saan siya unang naitalaga bilang Pari at kinabukasan, July 28 ay ihahatid na ito sa kaniyang huling hantungan sa libingan ng mga pari sa Tabuk City, Kalinga.

--Ads--

Ang gusto sana ng Nanay ni Rev. Mangulian ay ilibing na lamang ito sa lugar na kaniyang kinalakhan subalit matapos makipagpulong ang mga kasapi ng Simbahang Katolika sa kanilang pamilya ay napagdesisyunan na ihihimlay na lamang ito sa libingan ng mga Pari.

Ayon kay Princess Lyra, alas-9 ng umaga ng ika-19 ng Hulyo nila nalaman ang sinapit ni Rev. Mangulian matapos may magpadala sa kanila ng litrato upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng kanilang kaanak.

Doon na nila nalaman na isa ang kanilang kapamilya sa mga biktima ng aksidente sa Aurora, Isabela.

Masiyahin umanong tao si Rev. Mangulian at laging mahinahon ang pakikitungo nito sa kapwa.

Noong huli itong bumisita sa kanila ay wala naman silang nakitang senyales ng pamamaalam nito.

Isang buwan pa lamang simula nang maordinahan bilang Pari si Rev. Mangulian at naitalaga sa Tabuk City, Kalinga.