CAUAYAN CITY- Mahigpit na ipinatutupad ng pamunuan ng Ilagan City Public Market ang mga panuntunan upang mapanatili ang kaayusan sa pamilihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Market Supervisor Gerry Manguira, sinabi niya na hindi sila tumitigil sa pagpapatupad ng mga patakaran sa loob ng palengke dahil paraan ito upang mapangalagaan ang imahe ng loob ng pamilihan lalo na at marami ang nagtutungo rito.
Kabilang dito ay ang pagbabawal ng pagkakalat sa loob ng palengke at ang pagpapaalala sa mga kalalakihan na magsuot ng t-shirt tuwing nasa pamilihan.
Umiikot aniya ang mga personnel ng palengke upang matiyak na naipatutupad ang mga patakaran at masiguro na hindi ito nalalabag.
Aniya, may mga nabigyan na sila ng warning dahil sa paglabag sa mga patakaran na ito.
Nilinaw din nito na hindi agad sila nagpapataw ng parusa sa mga lumalabag sa mga panuntunan ng pamilihan kundi nagbibigay ng mga paunang paalala.










