--Ads--

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila na agad na ipatupad emergency measures matapos umabot sa 80.17 metro ang lebel ng La Mesa Dam nitong alas-8 ng umaga, Hulyo 22, 2025, ayon sa DOST-PAGASA Lagpas ito sa normal na high water level na 80.15 metro.

Ayon sa ulat, tumaas ng 0.48 metro ang lebel ng dam sa nakalipas na 24 oras at patuloy pang tumataas.

Dahil dito, nanganganib ang mga mabababang lugar sa kahabaan ng Tullahan River kabilang ang Quezon City, Valenzuela, Malabon, Caloocan, at Navotas, kung saan tinatayang 12,946 katao o 2,772 pamilya sa 24 na barangay ang nasa panganib na mabaha.

“Hinahamon natin ang LGUs na kumilos agad at unahin ang kaligtasan ng kanilang nasasakupan. Kailangan ngayon ang agarang evacuate, tuluy-tuloy na komunikasyon, at koordinasyon sa lugar. Ang buhay ng tao ang pinakamahalaga,” saad ni DILG Secretary Jonvic Remulla.

--Ads--

Nakipag-ugnayan na ang mga apektadong LGU sa mga dam operator at pinagana na ang kani-kanilang dam safety protocols at communication plans.

Naabisuhan na rin ang mga nasa panganib na komunidad at nagsagawa na ng pre-emptive at force evacuations. Tumanggap na rin ang mga lumikas na pamilya ng Camp Coordination and Camp Management (CCCM) services sa mga itinakdang evacuation centers.

Batay sa pinakahuling ulat, nasa 11,667 pamilya o 41,878 indibidwal ang inilikas at nasa loob na ng evacuation centers sa Caloocan City, Malabon City, Navotas City, Valenzuela City, at Quezon City.