CAUAYAN CITY- Nagkakaisa ngayon ang PhilHealth at City Health Office sa lungsod ng Cauayan upang makabili ng mas marami pang kagamitan sa panggagamot sa mga pasyenteng walang kakayahan na magpakonsulta sa mga pribadong pagamutan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Bagnos Maximo Jr., sinabi niya na bilang dating committee chairman ng Committee on Health and Sanitation, ikinagagalak niya na nagpapatuloy pa rin ang ugnayan ng PhilHealth at CHO upang pag-usapan ang pagpapabuti ng kanilang serbisyo.
Ang PhilHealth aniya ang nagbaba ng pondo na gagamitin naman ng CHO para sa pagbili ng medical equipment.
Matatandaan na una na ring pinag-usapan sa konseho ang pagdaragdag ng psychiatrist na popondohan mismo ng PhilHealth, at ngayon naman ay ang pagbili ng mas marami pang kagamitan sa upang ma accomodate ang libo-libong residente sa Cauayan.
Sa ngayon ay hindi na idinetalye pa ni SP Bagnos kung anong partikular na medical equipment ang bibilhin subalit tiniyak niya na lubos itong makatutulong sa publiko.
Paglilinaw naman niya, hindi sasagutin ng PhilHealth ang kabuoang pondo ng pagbili sa mga kagamitan, mayroon lamang umanong share ang PhilHealth sa lahat ng may kaugnayan sa medical concerns sa Cauayan.











