--Ads--

Humingi ng paumanhin si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla matapos umani ng batikos ang ilang pabirong pahayag na inilathala niya sa opisyal na social media page ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng mga anunsyo sa suspensyon ng klase at trabaho dahil sa masamang panahon.

Nilinaw ni Remulla na layon lamang ng kaniyang istilo ng pagpapahayag na pagaanin ang loob ng publiko at hindi gawing biro ang kanilang pinagdaraanan.

Nag-ugat ang kontrobersya sa dalawang magkasunod na post ng DILG sa Facebook nitong Martes na kung saan sa una, sinabi ni Remulla ang “Mga abangers, may inaabangan ba kayo? Mamaya na, kain muna ko.”

Sinundan naman ito ng post na “Mga abangers, sarap ng bogchi ko. Sa kabusugan ay nakaidlip nang sandali. Oh eto na inaabangan niyo!”

--Ads--

Ang mga naturang pahayag ay itinuturing ng ilang netizen bilang insensitibo, lalo na at kasalukuyang dumaranas ng matinding pagbaha at sakuna ang maraming lugar sa bansa dulot ng Southwest Monsoon o Habagat at Tropical Cyclone Crising.

Giit ni Remulla, hindi siya naglalayong insultuhin ang publiko, at aniya ay bahagi lamang ito ng kanyang personal na istilo.

“Kung ‘di naman nila naiintindihan ay humihingi ako ng pasensiya. Pero ganoon talaga pagkatao ko. Intindihin na lang ito na wala naman akong masamang intensiyon,” dagdag pa niya.

Sa kabila ng kanyang paumanhin, nanawagan ang ilang netizen at lokal na opisyal na maging mas maingat at sensitibo ang mga opisyal sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon, lalo na sa panahon ng sakuna.

Samantala, ayon sa Philippine National Police (PNP), nasa 12 katao  na ang naiulat na nasawi sa epekto ng masamang panahon. Lima sa mga ito ay mula sa Calabarzon, tatlo sa Negros Island Region, habang tig-isa sa Metro Manila, Mimaropa, Northern Mindanao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Karamihan sa mga nasawi ay sanhi ng pagkalunod o pagkakaipit sa mga gumuhong punongkahoy. Siyam ang naitalang nawawala at pito ang nasugatan. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), patuloy pa rin ang beripikasyon ng mga datos.