Target ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan na magsagawa ng clearing operations sa mga service wires sa poblacion area isang beses kada linggo upang maiwasan ang dangling wires at pagkatumba ng mga poste.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang panlungsod member Miko Delmendo ng Cauayan City, sinabi niya na sa panahon ng kalamidad ay ito ang pangunahing naapektuhan na maaaring magdulot ng aksidente at malawakang pagkawala ng tustos ng kuryente.
Aminado naman siya na bagamat lingguhan ang ginagawa nilang clearing operations ay marami pa rin talaga ang kailangang ayusin lalo na sa poblacion area.
Patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga service providers at mga concerned agancies upang maisaayos sa mabilis na panahon ang mga dangling wires sa lungsod.
Sa pamamagitan ng Anti-dangling wires ordinance sa Cauayan City ay tinitiyak nila na bago magkabit ng line ang ang lahat ng service providers ay kinakailangan munang kumuha ng permit sa city government upang masiguro na papasa sa guidelines ng ipinasang ordinansa ang pagkakabit nila ng service line.
Nanawagan naman siya sa mga Cauayeño na kung mayroong lumang poste o buhol-buhol na linya sa kanilang lugar na kailangan ng agarang pagsasaayos ay agad lamang itong i-ulat sa kanilang tanggapan para sa agarang aksyon.











