Lumakas pa at naging isang tropical storm ang bagyong “Emong” habang ito ay kumikilos pa-timog-kanluran sa kanlurang bahagi ng Philippine Sea.
Ayon sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo kaninang hapon sa layong 150 kilometro kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa sentro at bugso na umaabot sa 80 kilometro kada oras. Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras patungong timog-kanluran.
Sa kasalukuyan, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Apayao, Abra, Benguet, at ilang bahagi ng Pangasinan gaya ng Dasol, Burgos, Agno, Bani, Bolinao, Alaminos City, Mabini, Anda, Labrador, Sual, Binmaley, Dagupan City, Lingayen, Bugallon, Infanta, Sison, Mangaldan, San Fabian, San Jacinto, at Pozorrubio.
Inaasahang kikilos pa-timog-kanluran si Emong ngayong gabi bago ito gumawa ng pag-ikot o “loop” sa West Philippine Sea bukas ng umaga hanggang hapon (Hulyo 24) bunsod ng interaksiyon nito sa isa pang bagyong si Dante.
Pagkatapos ng naturang galaw, inaasahang kikilos ito pa-hilagang-silangan habang bumibilis.
Batay sa forecast track, posible itong mag-landfall sa pagitan ng Ilocos Sur, La Union, o Pangasinan bukas ng gabi o sa madaling araw ng Biyernes, Hulyo 25. Lalabas ito ng landmass at tatawid sa Luzon Strait sa Biyernes ng hapon matapos ang pagtawid sa kabundukan ng Hilagang Luzon.
Inaasahan ding patuloy na lalakas si Emong at maaaring umabot sa severe tropical storm category bago ito tumama sa lupa. Gayunpaman, inaasahang hihina ito muli habang tinatahak ang lupain ng Northern Luzon.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging handa sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at malalakas na pag-ulan.











