Maagang nag-anunsyo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ng kanselasyon ng pasok ng mga empleyado sa mga tanggapan ng gobyerno, gayundin ng klase sa lahat ng antas ngayong araw, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Emong na inaasahang dadaan sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Jose Gambito, sinabi niyang bagama’t minimal pa lamang ang ulan na nararanasan sa lalawigan sa ngayon, minabuti na nilang magpatupad ng maagang hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.
Nilinaw ng gobernador na tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan na may kinalaman sa kalusugan at emergency response, dahil mahalaga ang mga ito sa panahon ng kalamidad.
Isa sa mga pangunahing suliranin sa Nueva Vizcaya tuwing may masamang panahon ay ang mga pagguho ng lupa (landslide), at bagama’t bihira ang pagbaha sa lalawigan dahil sa bulubunduking heograpiya nito, madalas namang naaapektuhan ang mga pangunahing kalsada. Nagdudulot ito ng pagsasara ng ilang bahagi ng lansangan o pansamantalang pagiging one-lane passable kapag may naitalang landslide.
Dahil dito, patuloy ang paalala ng pamahalaan sa mga motorista na mag-ingat sa pagbiyahe, lalo na sa mga matataas at mabundok na lugar na posibleng gumuho kapag umulan nang malakas. Inatasan na rin ng gobernador ang Provincial Engineering Office na agad na mag-deploy ng mga heavy equipment sakaling may mga lugar na tamaan ng landslide.
Sa ngayon ay wala pang ipinatutupad na preemptive evacuation sa lalawigan, ngunit umaasa si Governor Gambito na walang magiging malubhang epekto ang Bagyong Emong sa kanilang nasasakupan. Patuloy naman ang monitoring ng mga awtoridad upang agad na makapagresponde kung kinakailangan.











