Nanawagan si Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. sa mga mamamayan ng Cauayan City na iwasang ipost sa social media ang mga problema sa lungsod at sa halip ay direktang ireport ito sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na bagama’t may mga lehitimong reklamo gaya ng baradong kanal, kakulangan sa streetlights, baku-bakong daan, at kulang na signage sa mga road construction areas, hindi agad ito natutugunan dahil hindi ito pormal na naipararating sa lokal na pamahalaan.
Ipinaalala niya na mas mainam kung ang mga ganitong isyu ay pormal na idinudulog upang agad na maaksyunan. Tiniyak din niyang ang anumang reklamo na maipapasa sa kanilang tanggapan ay agad nilang bibigyang aksyon.
Dagdag pa niya, maraming mga post sa social media ang hindi nila nakikita kaya walang nagagawang aksyon. Hinihikayat niya ang publiko na dumulog sa kanyang opisina o sa iba pang mga ahensya kaysa sa pagpo-post online na ang layunin lang ay magpasikat o magpa-viral.
Aniya, mas malaki ang maitutulong ng mga mamamayan kung magiging maayos ang paraan ng pagsusumbong sa mga problema, hindi sa social media, kundi sa mga tamang tanggapan ng pamahalaan.











