Inihayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may isang indibidwal na nag-alok ng kanilang ballroom bilang venue para sa inaabangang “charity boxing match” sa pagitan nina PNP Chief General Nicolas Torre III at Davao City Acting Mayor Baste Duterte.
Ayon kay Lacson sa isang post sa platform na X, ang nasabing indibidwal ay isang kilalang CEO ng resort casino hotel at mabuting pilantropo na nagpahayag ng kahandaang i-host ang naturang laban.
“A credible source told me last night, the CEO of a popular resort casino hotel, a well-known philanthropist is willing to open their ballroom for the ‘charity boxing match’ between Nick Torre and Baste Duterte,” ani Lacson. “For the sake of the many poor flood victims, let’s do it,” dagdag pa nito.
Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng pagpayag ni Gen. Torre sa hamon ni Mayor Duterte, matapos siyang tawagin nitong “matapang lang dahil sa posisyon.”
“You are a coward. You are nothing without your position,” saad ni Duterte sa podcast na Basta Dabawenyo noong Hulyo 20.
Bagkus na tanggihan, ginawang oportunidad para tumulong ni Torre ang hamon. Binanggit niya ang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo at pagbaha, kaya’t iminungkahi niya ang isang “charity boxing match” upang makalikom ng pondo.
“12 rounds? Pwede… ang suntukan para maganda, para medyo marami-rami ang ma-raise natin, siguro you can find sponsors, per round, may mag-sponsor,” ani Torre.
Dagdag pa niya na magsisimula na ang kanyang training Huwebes ng 9:00 AM sa Camp Crame.








