Inanunsyo ng Social Security System (SSS) ang mas pinabilis at pinaluwag na patakaran sa kanilang Calamity Loan Program (CLP) upang agad na makapagbigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at mga pensioners nito na naapektuhan ng kalamidad partikular na ng pananalasa ng Bagyong Crising at ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Ayon sa SSS, sa ilalim ng bagong guidelines, maaari nang mag-apply ng calamity loan pitong (7) araw lamang matapos ideklara ang isang lugar sa ilalim ng state of calamity na mas mabilis kumpara sa dating halos isang buwang proseso.
Bukod dito, ibinaba rin ang interest rate ng loan sa 7% mula sa dating 10%.
Layunin ng mga pagbabagong ito na makapagbigay ng agarang tulong-pinansyal upang maibsan ang epekto ng mga sakuna at mapabilis ang pagbangon ng kanilang mga miyembro.
Noong taong 2024, umabot sa halos P10 bilyon ang halaga ng calamity loan na naipamahagi sa mahigit 560,000 miyembro.
Ngayong 2025, P20 bilyon ang inilaan ng SSS para sa programa.
Sa mga nagnanais na makapag avail ng SSS Calamity Loan kailanga lamang na may hindi bababa sa 36 na monthly contributions, kung saan anim (6) ay dapat sa loob ng huling 12 buwan.
Para sa self-employed, voluntary members, at OFWs, kinakailangan ang anim na hulog sa ilalim ng kasalukuyang membership.
Dapat walang past due loans o nakabinbing final benefit claims.
Kailangang rehistrado sa My.SSS portal at ang aplikasyon ay online lamang.
Ang Maximum loanable amount ay P20,000 na babayaran sa loob ng 24 buwan, may kasamang 1% service fee.
Samantala, nagpa-alala naman ang Pag-IBIG Fund kaugnay ng kanilang Calamity at Insurance Claims.
Sa mga nais mag-apply ng Calamity Loan, kailangan ang Calamity Loan Application Form na kumpleto at may lagda, Valid ID
Proof of income o sertipikadong kita mula sa employer at Pag-IBIG Loyalty Card Plus.
Para naman sa mga may housing loan insurance claim dahil sa pinsala, kailangang mag sumite ng Non-life insurance claim form
Report of loss, Cost of damage o bill of materials, Larawan ng nasirang property (colored) at Dalawang valid ID na may lagda
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa opisyal na website ng SSS at Pag-IBIG, o magtungo sa pinakamalapit na branch.











