--Ads--

Isang pampasaherong eroplano na may sakay na halos 50 katao ang bumagsak sa isang liblib na bahagi ng Amur Region sa far east ng Russia. Ayon sa mga awtoridad, wala pang palatandaan ng mga nakaligtas mula sa insidente.

Ang nasabing eroplano ay isang twin-propeller Antonov-24 na pinapatakbo ng Angara Airlines. Byahe ito mula sa lungsod ng Blagoveshchensk patungong bayan ng Tynda nang bigla itong mawala sa radar bandang ala-1:00 ng hapon (Russian time). Kalaunan ay natagpuan ng mga rescuers gamit ang helicopter ang nasusunog na bahagi ng eroplano sa isang masukal na kagubatan sa gilid ng bundok, tinatayang 16 kilometro mula sa Tynda.

Batay sa mga videos na inilabas ng mga imbestigador sa Russia, makikita ang makapal na usok na bumubuga mula sa bumagsak na eroplano. Ayon sa mga rescuer na sakay ng helicopter, wala silang nakitang palatandaan ng buhay mula sa lugar ng pagbagsak. Mabilis namang nagpadala ang civil defence agency ng Amur Region ng ground team at standby na rin ang apat na sasakyang panghimpapawid para sa operasyon.

Dahil sa makapal na kagubatan at mahirap na terrain, pahirapan ang paglapit sa crash site, ayon sa ulat ng state-run TASS news agency. Kaya’t mula sa himpapawid isinasagawa ang search and rescue operations.

--Ads--

Ayon kay Governor Vassily Orlov ng Amur Region, may 43 pasahero at 6 na crew members ang nasa loob ng eroplano, kabilang ang limang bata. May ulat naman mula sa emergency services na nagsasabing 40 ang pasahero at 6 ang crew.

Base sa ulat ng Far Eastern Transport Prosecutor’s Office, bumagsak ang eroplano habang sinusubukan nitong muling lumapag sa Tynda Airport. Nawalan umano ng komunikasyon ang mga air traffic controller matapos ang unang landing attempt at sa ikalawang subok ay tuluyan na itong bumagsak.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng aksidente at wala pang pinal na pahayag kaugnay dito. Ayon sa TASS, ang eroplano ay halos 50 taong gulang na at pinalawig ang airworthiness certificate nito hanggang 2036.

Ang Antonov-24 ay isang modelo ng Soviet-era twin-propeller aircraft na unang ginamit noong 1959. Sa kabila ng pagsusumikap ng Russia na gamitin ang mas modernong mga jet, nananatiling malawak pa rin ang paggamit ng mga luma at magagaan na eroplano, lalo na sa mga malalayong rehiyon—na dahilan ng patuloy na ulat ng mga insidente ng plane crashes.