--Ads--

Umakyat na sa 12 katao ang naitalang nasawi dahil sa pananalasa ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante, Emong, at ng habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, may walong katao pa ang napaulat na nawawala habang patuloy na kinukumpirma ang ulat sa 10 iba pang nasawi.

Umabot na sa 765,869 pamilya o higit 3.3 milyong indibidwal ang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa bilang na ito, tinatayang nasa 40,487 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers para sa kanilang kaligtasan.

Sa sektor ng agrikultura, umabot na sa mahigit P366.3 milyon ang tinatayang pinsala, kung saan pinakamatindi ang tama sa rehiyon ng MIMAROPA. Marami ring pananim at kabuhayan ang nalubog sa baha o nasira dahil sa malalakas na hangin.

--Ads--

Dahil sa lawak ng pinsala, idineklara na ang state of calamity sa Metro Manila at sa 40 iba pang lungsod at munisipalidad sa kabuuan ng anim na rehiyon.

Samantala, nakapagpaabot na ng humigit-kumulang P181.4 milyon na halaga ng tulong ang pambansang pamahalaan sa mga naapektuhang residente. Kabilang dito ang food packs, non-food items, at iba pang relief assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at mga lokal na pamahalaan.

Patuloy ang koordinasyon ng NDRRMC sa mga lokal na disaster response units upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong, maibalik ang mga pangunahing serbisyo, at matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa gitna ng patuloy na pag-ulan at banta ng mga bagong sama ng panahon.