Nilinaw ng International Criminal Court (ICC) na nananatiling nakakulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang detention facility sa The Hague, Netherlands.
Ito ay matapos aprubahan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ng kampo ni Duterte na ipagpaliban muna ang pagpapasya kaugnay sa kanyang hirit na interim release o pansamantalang paglaya habang nililitis ang kanyang kaso.
Ayon sa inilabas na pahayag ng ICC Public Information and Outreach Section, hindi pa rin nagbibigay ng pahintulot ang korte para sa anumang uri ng paglaya at mananatili si Duterte sa piitan habang hinihintay ang susunod na hakbang ng paglilitis.
Mahigit apat na buwan nang nakakulong ang dating Pangulo sa Scheveningen Prison, isang pasilidad ng ICC sa The Hague, simula nang ito ay maaresto noong March 11, 2025. Ang kanyang pagkakaaresto ay kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya, partikular sa umano’y extrajudicial killings na naganap sa ilalim ng kanyang kontrobersyal na kampanya kontra droga.
Kasama sa mga ebidensyang inihain laban sa kanya ang testimonya ng mga biktima at pamilya ng mga nasawi, pati na rin ang ulat mula sa iba’t ibang lokal at internasyonal na human rights organizations.
Sa kabila nito, mariing itinatanggi ni Duterte at ng kanyang legal team ang mga paratang at iginiit na ang mga hakbang sa ilalim ng war on drugs ay bahagi ng lehitimong kampanya ng gobyerno laban sa kriminalidad.
Patuloy naman ang pag-usad ng proseso sa ICC, kung saan inaasahan ang susunod na mga hearing sa mga darating na buwan habang binibigyang pagkakataon ang parehong panig na maghain ng karagdagang dokumento at argumento.











