Sisimulan na ng pamahalaang lungsod ng Cauayan ang pagsasaayos ng mga terminal at paradahan ng tricycle upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko, lalo na sa paligid ng malalaking establisimyento.
Personal na binisita ni Vice Mayor Benjie Dy III, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at ang Public Order and Safety Division (POSD), ang pribadong pamilihan upang inspeksyunin ang terminal ng mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Batay sa naunang monitoring ng mga kinauukulan, natukoy na ang ilang tricycle terminal sa paligid ng pamilihan ang isa sa mga pangunahing sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko sa lugar.
Ang nasabing inspeksyon ay bahagi ng inisyatiba ng pamahalaang lungsod alinsunod sa direktiba ni Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr., na layuning masolusyonan ang problema sa double parking at trapiko sa mga pangunahing lansangan ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy, sinabi niya na hindi lamang ang bahagi ng pribadong pamilihan ang isasaayos. Nakapaloob din sa plano ang pagpapatupad ng one-way traffic scheme na hango sa sistema ng lungsod ng Makati.
Ayon sa alkalde, wala namang malaking pinagkaiba ang mga kalsada sa Makati at sa Cauayan, kaya’t naniniwala siyang magiging epektibo rin ito sa lungsod.
Dagdag pa niya, magbibigay ng opisyal na abiso ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong establisimyento kaugnay ng mga planong ipatupad, kabilang ang one-way scheme, relokasyon ng mga terminal, at mahigpit na pagbabawal sa double parking.
Sa ngayon, plano ng pamahalaan at ng POSD na magkaroon ng organized na terminal ang mga namamasada upang hindi na sila nakakaabala sa gilid ng pamalihan.











