--Ads--

Sa tuwing panahon ng tag-ulan, lumulubog ang mga lansangan, ang mga kabahayan ay napupuno ng tubig, at ang mga komunidad ay napipilitang lumikas. Sa tuwing may bagyo, kasunod nito ang trahedya. At sa tuwing may trahedya, isang katanungan ang muling bumabalik: Saan napunta ang bilyon-bilyong pondo para sa flood control? Sa mga nakalipas na taon, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pambansang badyet.

Mula 2022, umabot na sa ₱556 bilyon ang inilaan para sa mga flood control project—katumbas ng halos ₱1 bilyon kada araw. Noong 2024, ₱244 bilyon ang nailaan para sa flood control, at ngayong 2025, nakatakdang umakyat pa ito sa ₱303 bilyon, o halos 34% ng kabuuang badyet ng DPWH.

Ngunit sa kabila ng pondong ito, baha pa rin ang kalaban ng mamamayan. Ayon sa Commission on Audit (COA), umabot sa ₱216 bilyon ang halaga ng mga infrastructure projects, kabilang ang mga flood control structures, ang na-delay o hindi pa rin natatapos hanggang ngayon.

Bumaba rin ang utilization rate ng DPWH mula 73% noong 2022 tungo sa 58% noong 2023. Habang patuloy ang pag-ulan ng pondo, nananatili naman ang ulat ng mga “ghost projects,” substandard na konstruksiyon, at mga proyektong pinasok dahil sa political insertions at hindi sa tunay na pangangailangan ng publiko.

--Ads--

Ngayong 2025, ilang bagyo na ang dumaan sa bansa na muling sumubok sa kakayahan ng gobyerno pagdating sa disaster preparedness. Noong July 3 hanggang 11, si Typhoon Danas (Bising) ay nagdulot ng pagbaha sa Luzon kahit walang direktang landfall.

Naitala ang apat na nasawi at mahigit ₱100 milyong pinsala sa imprastruktura. Bago ito, isang low-pressure area na naging bahagi ng Tropical Storm Wutip noong Hunyo ang nagpabaha sa Metro Manila, Bulacan, Bicol at Visayas. Tatlong katao ang nasawi at higit 18,000 ang naapektuhan.

Nitong Hulyo, magkasunod na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sina Tropical Storm Dante (Francisco) at Typhoon Emong (Co-may). Si Dante ay nagpalakas ng habagat na naging sanhi ng pagbaha sa maraming bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, na nakaapekto sa halos 1.4 milyong katao. Umabot sa ₱3.75 bilyon ang kabuuang pinsala sa imprastruktura, kabilang ang ₱3.24 bilyong halaga ng flood control structures.

Samantala, si Typhoon Emong ay nag-landfall nang dalawang beses—una sa Agno, Pangasinan nitong July 24 ng gabi, at pangalawa sa Candon City, Ilocos Sur ngayong Hulyo 25 ng madaling araw. May lakas itong hanggang 150 kilometro bawat oras, at naging dahilan ng matinding pagbaha at storm surges. Umabot sa 952,767 katao ang naapektuhan, at nawalan ng kuryente ang malaking bahagi ng Pangasinan at La Union. Umabot sa 49 na lugar sa Northern at Central Luzon ang isinailalim sa state of calamity. Sa kabila ng lawak ng pinsala, marami sa mga flood control projects sa mga nabanggit na lugar ay hindi pa rin operational o hindi natapos sa takdang panahon.

Sa kabila ng kabiguang ito, may ilang lokal na pamahalaan tulad ng Marikina City at Iloilo Province ang nagpapakita na posible ang tunay na pagbabago. Ang Marikina, sa pamamagitan ng epektibong river management at early warning systems, ay nakapagtala ng zero casualty kahit sa malalakas na ulan. Ang Iloilo Flood Control Project na natapos noong 2011 ay patunay na kayang magtagumpay ang flood mitigation basta’t may maayos na plano at tapat na implementasyon.

Kung ang mga lokal na pamahalaan ay may kakayahang maipatupad ang mga solusyon laban sa baha, bakit tila hindi ito magawa ng DPWH, na may pinakamalaking budget sa buong pambansang pamahalaan? Panahon na upang managot ang mga dapat managot.

Hindi sapat ang dami ng pondo; dapat itong gamitin nang wasto, may plano, at may pananagutan. Huwag hayaang taon-taon ay lumulubog sa baha hindi lamang ang ating mga kalsada, kundi pati na rin ang tiwala ng mamamayan sa kanilang pamahalaan.

Ang mamamayan ay hindi dapat nalulunod sa baha ng kapabayaan. Sa bawat ulan, dapat ay may kahandaan. Sa bawat badyet, dapat ay may tunay na bunga. At sa bawat proyekto, dapat ay may pananagutan. Milyon ang apektado, bilyon ang ginastos—ngunit nasaan ang tunay na resulta?