Umabot sa mahigit 600 na indibidwal ang apektado sa kanselasyon ng flight sa Cauayan City Airport dahil sa epekto ng Bagyong Emong.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Richard Labbao, ang hepe ng Cauayan City Airport Police Station sinabi niya na kahapon ay kinansela ang byahe ng mga eroplano sa paliparan dahil sa masamang lagay ng panahon sa mga dadaanan ng flights.
Aniya bagamat maganda ang lagay ng panahon sa lungsod ng Cauayan ay namonitor nila ang lagay ng panahon sa dadaanan ng mga eroplano kaya kinansela ang byahe para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Apektado naman ang byahe ng nasa 656 na pasahero na maagang naabisuhan ng kanilang airlines kaugnay sa kanselasyon ng flights.
Nanawagan naman siya sa mga pasahero na laging imonitor ang kani-kanilang airlines sa muling pagbubukas ng byahe ng mga eroplano sa paliparan para tuluyan silang makabyahe.











