--Ads--

Hinihintay ng mga opisyal ng Brgy. District 3, Cauayan City ang ilalagay na vertical clearance sa Sipat Bridge upang tuluyan nang maipagbawal ang pagtawid ng mga malalaki at mabibigat na sasakyan sa tulay.

Matatandaang hinigpitan ang pagbabantay ng mga otoridad sa tulay dahil sa unti-unting pagguho ng lupa sa ilalim nito dahil sa mga naranasang pag-ulan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Allan Castillo, sinabi niya na may mga nakalusot pa ring malalaking sasakyan sa tulay sa kabila ng abiso at paghihigpit sa lugar.

Aniya mabibilis kasi ang patakbo ng mga ito kaya hindi agad nila nahaharang upang pagbawalan sanang dumaan sa tulay.

--Ads--

Bukas naman darating ang ilalagay na vertical clearance mula sa City Engineering Office upang hindi na sila mahirapan sa pagbabawal sa mga sasakyang dadaan.

Batay sa kanilang monitoring may mga paunti-unti pa ring pagguho ng lupa sa ilalim ng tulay dahil sa malakas na agos ng tubig.

Samantala nagpaalala naman ang pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD sa mga tsuper ng malalaking sasakyan na huwag na munang dumaan sa naturang tulay dahil sa maaring panganib na idulot nito.

Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, may itinalaga silang rerouting na pwedeng daanan para sa mga malalaki at mabibigat na sasakyan.

Pwede aniyang dumaan sa Research Minante Uno o Sta Luciana ang mga malalaking sasakyan.

Kailangan aniyang mabantayan ang Sipat Bridge dahil kapag ito ay tuluyang gumuho ay maraming residente ang maaapektuhan.

Maigi aniyang unawain ng mga tsuper ang mas malaking epekto ng kanilang pagdaan sa lugar at hindi pansariling interes lamang ang iisipin dahil sa mas malaking problemang idudulot nito sa publiko kapag nasira ang tulay.