Umabot sa halos 390,000 kabahayan sa Luzon at Visayas ang nawalan ng kuryente bunsod ng matitinding pag-ulan at masamang panahon na nakaapekto sa ilang electric cooperatives (ECs), ayon sa National Electrification Administration (NEA).
Sa isang pahayag, sinabi ng NEA na dalawang kooperatiba ng kuryente ang nakaranas ng malawakang blackout, habang siyam pa ang may bahagyang pagkaantala ng serbisyo.
Kabilang sa mga nawalan ng suplay ng kuryente ay ang La Union Electric Cooperative Inc. at ang Pangasinan Electric Cooperative I, na kapwa walang serbisyo ng kuryente hanggang Miyerkules ng umaga.
Nakaapekto rin ang naranasang sama ng panahon sa operasyon ng Ilocos Sur Electric Cooperative Inc.,
Central Pangasinan Electric Cooperative, Benguet Electric Cooperative, Marinduque Electric Cooperative Inc., Occidental Mindoro Electric Cooperative Inc., Oriental Mindoro Electric Cooperative Inc., Zambales Electric Cooperative Inc. II, Pampanga Electric Cooperative Inc. II, at Batangas Electric Cooperative Inc. II
Ayon sa NEA, ang mga lugar na sakop ng nasabing kooperatiba ay dinaanan ng Bagyong ‘Emong’, bukod pa sa epekto ng habagat at mga nakaraang bagyo gaya nina ‘Dante’ at ‘Crising’ na lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ipinabatid ng NEA na sanhi ng power interruption ang hindi magamit na transmission lines, natumbang poste at malawakang pagbaha
Patuloy ang isinasagawang damage assessment at magsisimula ang clearing at restoration activities kapag ligtas na ang kondisyon ayon sa ahensya.
Naunang iniulat ng NEA na ang ilang power distribution networks ng mga kooperatiba ay nagtamo ng bahagyang pinsala, at nagsimula na ang pag-aayos ng mga ito.
Magugunita na nitong nakaraang linggo, tumama ang Bagyong Crising sa bansa, na nagdala ng malalakas na hangin at nagpalakas pa sa ulan ng habagat sa maraming lalawigan sa Luzon.
Sa ngayon, hindi pa kinakailangang i-activate ang Task Force “Kapatid”, dahil kaya pa ng mga apektadong kooperatiba ang pagsasaayos sa kani-kanilang lugar.
Gayunpaman, tiniyak ng NEA na handa silang magbigay ng tulong anumang oras, kasama ang kanilang mga katuwang na organisasyon.











