--Ads--

Umaasa ang National Public Transport Coalition o NPTC na mabibigyang-linaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang SONA ang ilang pangunahing isyu na kinakaharap ng sektor ng transportasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na isa sa kanilang mga inaasahan ay ang mas malinaw na plano ng pamahalaan kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na matagal nang pasanin ng mga tsuper at operator.

Hiniling din ng grupo na ipaliwanag pa nang mabuti ng Pangulo ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program. Ayon sa kanila, bago ito ganap na ipatupad, dapat munang tugunan ang mga kahilingan at suliranin ng mga jeepney driver at operator upang hindi sila mawalan ng kabuhayan.

Bagamat positibo ang kanilang pananaw sa kasalukuyang trabaho ng Department of Transportation (DOTr), binigyang-diin ng koalisyon na nais lamang nilang matiyak ang kapakanan ng mga nasa transport sector.

--Ads--

Binanggit rin nila ang patuloy na pamamahagi ng bagong plaka, na kanilang lubos na ipinagpapasalamat.

Gayunpaman, iginiit ng grupo na sa kabila ng maraming programa ng pamahalaan, hindi pa rin malinaw ang direksyon at hindi tiyak kung ano ang magiging epekto nito sa mga sektor na direktang maaapektuhan.

Umaasa silang may maririnig silang tulong na ibibigay sa mga maapektuhang tsuper at operators.