Isa sa mga pangunahing isyung nais matalakay ng Federation of Free Farmers (FFF) sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang lumalalang problema sa agricultural smuggling.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng FFF, sinabi niyang umaasa siyang mabibigyang-diin ng Pangulo ang isyu ng pagkakaisa ng sambayanan, lalo na ngayong sunod-sunod ang kalamidad na tumama sa bansa.
Ani Montemayor, sa kabila ng mga sakuna, mas nangingibabaw umano ang pagkakawatak-watak ng mga mamamayan, lalo na sa larangan ng pulitika. Bilang ama ng bansa, mahalaga aniyang pagtuunan ng pansin ng Pangulo ang pagpapatibay ng pagkakaisa ng bawat Pilipino.
Bukod sa usapin ng pagkakaisa, binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mas matinding pagtutok sa public safety. Ito ay kasunod ng malawakang pagbaha na dulot ng habagat at ng magkakasunod na bagyong Crising at Emong, na nagresulta sa pagkasawi ng mahigit 30 katao.
Ayon kay Montemayor, palaisipan kung bakit sa kabila ng bilyong pisong pondo na inilalaan taon-taon ay patuloy pa rin ang problema sa baha. Aniya, hindi sapat ang infrastructure kung wala namang epektibong pamamahala at accountability sa mga proyekto.
Isa pa sa pangunahing panawagan ng FFF ay ang mas maigting na pagtugon sa agricultural smuggling. Bagamat paulit-ulit na sinasabi sa mga nakaraang SONA ang laban kontra smuggling, iginiit ni Montemayor na kulang pa rin sa aktwal na resulta, lalo’t wala pa ring nasasampahan ng kaso sa mga sangkot.
Aniya, ang mga smuggler ay nakakalaban ng mga lokal na magsasaka dahil hindi sila nagbabayad ng tamang buwis, dahilan para bumagsak ang presyo ng mga lokal na produkto. Dagdag pa rito, posible ring magkaroon ng epekto sa kalusugan ng tao at hayop ang mga smuggled products dahil hindi ito dumadaan sa wastong inspeksyon at pagsusuri.
Binigyang-diin din ni Montemayor ang kontrobersyal na reciprocal tariff agreement na tinalakay sa pulong kamakailan nina Pangulong Marcos at US President Donald Trump. Bagamat may bahagyang pagbaba ng buwis sa ilang produkto—mula 20% patungong 19%—marami pa rin umano ang nadismaya dahil sa maliit na epekto nito sa merkado.
Giit niya, tila lugi ang Pilipinas sa ilalim ng free trade agreement na isinulong, lalo’t kabilang sa mga produktong papasok sa bansa mula Amerika ay soybeans at trigo—na direktang makaaapekto sa industriya ng manok, mais, at kakaw sa bansa.
Pananaw ng FFF, kung hindi agad matutugunan ang mga isyung ito, lalo lamang malulugmok ang sektor ng agrikultura na siyang nagpapakain sa sambayanan.











