--Ads--

Bahagyang binawasan ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang pagbubukas ng spillway gate sa Magat Dam upang mapanatili ang ligtas na lebel ng tubig sa gitna ng banta ng mga weather disturbance sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niyang nananatiling bukas ang spillway gate ng dam sa 2 metrong taas upang maibaba ang reservoir water level mula sa kasalukuyang 185.75 meters above sea level pababa sa target level na 184 meters, na mas mababa sa normal high water level.

Ayon kay Ablan, patuloy nilang binabantayan ang mga lagay ng panahon at ang epekto ng mga weather systems tulad ng dating bagyong Emong, ang Bagyong Karso, at isang Low Pressure Area sa labas ng PAR.

Dagdag niya, kung magiging maganda ang panahon sa mga susunod na araw, posible na nilang itigil ang pagpapakawala ng tubig mula sa dam.

--Ads--

Muli ring tiniyak ng NIA-MARIIS na napakaliit lamang ng epekto ng pagpapalabas ng tubig sa Magat River at walang dapat ikabahala ang mga nasa downstream areas.

Samantala, tuloy-tuloy rin ang water delivery ng ahensya sa mga irigasyon bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa nalalapit na anihan.