Tiniyak ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang kanilang buong kahandaan para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw, Hulyo 28.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Terrence Tomas, tagapagsalita ng IPPO, sinabi niyang puspusan ang kanilang paghahanda upang matiyak ang seguridad sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko para sa mga pagtitipon kaugnay ng SONA.
Ayon kay Tomas, may nakalatag nang security plan at nagsimula na ang maximum deployment ng mga tauhan ng pulisya sa mga tinukoy na areas of convergence, kabilang na ang mga pampublikong lugar kung saan maaaring magsagawa ng mga programa o pagkilos.
Bukod dito, naka-standby rin ang IPPO para superbisahin ang mga security preparations ng mga lower units at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos na daloy ng trapiko.
Patuloy din ang monitoring sa mga grupong posibleng magsagawa ng rally kasabay ng SONA, ngunit sa ngayon ay wala pang grupong humihingi ng permit para sa ganitong aktibidad sa Isabela.
Tiniyak ni Tomas na mamamaximize ang deployment ng kanilang mga personnel sa mga estratehikong lugar, habang nakahanda rin ang karagdagang pwersa sakaling kailanganin ang reinforcement.
Layunin ng IPPO na tiyakin ang mapayapa, ligtas, at organisadong paggunita ng SONA sa buong lalawigan.











