--Ads--

Hinimok ng ilang miyembro ng Kamara si acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na unahin ang sariling lungsod sa isinusulong nitong mandatory hair follicle drug testing para sa lahat ng halal na opisyal sa bansa, matapos magpositibo sa droga ang 37 empleyado ng pamahalaang lungsod ng Davao noong nakaraang taon.

Ayon kay Zambales 1st District Representative Jay Khonghun, kung talagang seryoso si Mayor Baste sa laban kontra droga ay unahin niya ang Davao. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, 37 na umano ang nahuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Imbes na maghamon sa iba, ayusin muna umano nito ang sarili nitong bakuran.

Nag-ugat ang pahayag ng kongresista matapos ang naging komento ni Mayor Baste na papayag lamang siyang makipagsuntukan kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III kung sasailalim muna si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hair follicle drug test.

Kinumpirma ng Davao City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) na 37 na personnel mula sa Public Safety and Security Office (PSSO) ng lungsod ang nagpositibo sa droga base sa isinagawang random drug testing noong nakaraang taon.

--Ads--

Giit ng ilang mambabatas, bago pa man hamunin ang buong bansa, marapat lamang na linisin muna ni Mayor Baste ang hanay ng kanyang lokal na pamahalaan bilang patunay ng kanyang sinseridad sa kampanya kontra ilegal na droga.