Binigyan ng bagsak na grado ng Economic Think Tank na IBON Foundation si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hindi pa man nagsisimula ang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation, sinabi niya na maraming isyu na kinahaharap ang Pilipinas at sa kabila ng malaking pondo ng pamahalaan kada taon ay hindi naman nabibigyang solusyon ang mga pangunahing problema sa bansa.
Aniya, patuloy ang pagdami ng mga Pilipinong nagugutom at marami pa rin ang umaasa sa kakarampot na sahod sa kabila ng pagtaas ng mga mga presyo ng bilihin.
Bagama’t maraming mga programa ang pamahalaan pagdating sa iba’t ibang sektor ay hindi pa rin aniya sapat na bigyan ng mataas na grado ang performance ng Pangulo sa nakalipas na taon dahil hindi naman ito nagbunga ng magandang resulta.
Umaasa naman ang IBON Foundation na sa ika-apat na SONA ni Marcos ay maging tapat ito sa tunay na kalagayan ng bansa sa iba’t ibang aspeto.











