--Ads--

Isang kakaibang “eleksiyon” ang kinatutuwaan ngayon ng isang komunidad sa Somerville, Massachusetts, U.S.A. Ang naturang eleksiyon para sa posisyon na “Bike Path Mayor” ay hindi mga tao ang kandidato, kundi mga pusa na may kanya-kanyang campaign sign at political party.

Ang eleksiyon ay nasa pagitan lamang noon ng magkaribal na pusa na sina Berry, ang “incumbent”, at ang kanyang katunggaling si Orange Cat. Ngunit hindi nagtagal, dumami na ang mga kandidatong pusa.

Nagsimula ang lahat nang maglagay ang fur mom ni Berry na si Mallory Bissett ng isang placard sa bike path para ipaalam na hindi pusang ligaw si Berry at huwag itong damputin.

Kinatuwaan ang placard na tila ba isang campaign poster. Hindi nagtagal, sumulpot na ang mga campaign sign para sa iba pang pusa. Pangunahing katunggali ni Berry si “Orange Cat” na tumatakbo sa ilalim ng “Catalyst Party”. Kabilang din sa mga “kandidato” ay si Pirate na may platapormang “More Cat Food For All” at si Freya ng “Com-meow-nist Party”.

--Ads--

Agad na tinangkilik ng komunidad ang ideya. Naglagay na rin ang ibang residente ng mga campaign sign para sa kanilang mga alaga, kabilang na ang isang pares ng aso. Nagkaroon pa ng bahagyang “iskandalo” nang mawala ang campaign sign ni Berry, ngunit naibalik din ito makalipas ang ilang oras.

Upang maging mas opisyal ang kunwaring halalan, may isang placard na naglalaman ng QR code kung saan maa­aring bumoto. Ang “botohan” ay magsasara sa September 5.

Para sa mga residente, ang kaganapang ito ay isang “meow-velous” o magandang paraan upang magkaisa at magbigay kasiyahan sa kanilang komunidad.