--Ads--

Sugatan ang hindi bababa sa 11 Palestino matapos bumagsak ang isang aid pallet sa mga tents na pansamantalang tirahan ng mga evacuee sa Northern Gaza.

Inanunsyo ng militar ng Israel nitong Sabado na nagsagawa sila ng airdrop ng humanitarian aid bilang bahagi ng kanilang sinasabing patuloy na pagsisikap na maghatid ng tulong sa Gaza Strip. Gayunman, ayon sa mga lokal na ulat sa Gaza, ang ilang pallet ng tulong ay bumagsak sa mga tents malapit sa al-Rasheed Road, na naging sanhi ng mga pagkasugat ng mga residente.

May ilang pallet din na nalaglag sa mga lugar na malayo sa mga displacement sites at mas malapit sa posisyon ng mga sundalong Israeli, dahilan upang hindi ito mapakinabangan ng mga nangangailangan.

Samantala, kasunod ng matinding pandaigdigang pressure, nagsimula na nitong Linggo ang militar ng Israel sa pagpapatupad ng araw-araw na “tactical pause” o pansamantalang paghinto ng operasyon sa ilang bahagi ng Gaza at nagbukas ng panibagong aid corridors.

--Ads--

Ngunit para sa grupong Hamas, ang mga hakbang na ito ay isa lamang “mapanlinlang at simbolikong kilos” upang linisin ang imahe ng Israel sa mata ng mundo. Sa isang pahayag, sinabi ng Hamas na ang mga airdrop at limitadong tulong ay bahagi ng estratehiyang “pagkontrol sa gutom, pagpapataw ng sapilitang kondisyon, at pagpapailalim sa mga sibilyan sa panganib at kahihiyan.”

Direkta ring isinisi ng Hamas kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang patuloy na pagkamatay ng mga sibilyan, tinawag itong “malinaw na war crimes.”

Giit ng mga humanitarian groups, hindi sapat ang mga airdrop upang tugunan ang malalim na krisis sa kagutuman sa Gaza, kung saan higit sa dalawang milyong katao ang naapektuhan. Tinawag pa nila itong isang “grotesque distraction” mula sa tunay na solusyon—ang pagbubukas ng ligtas at malawakang land-based aid access.