CAUAYAN CITY- Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Ilagan Component City Police Station – Drug Enforcement Unit (Ilagan CCPS-DEU), katuwang ang PDEA Isabela Provincial Office at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Regional Office 2, ang isang 35-anyos na lalaki na kilala sa alyas na “Jay” sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Lullutan, City of Ilagan, Isabela.
Nakuha mula sa suspek ang mga sumusunod na ebidensiya: Isang (1) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, tinatayang may bigat na 0.5 gramo at Standard Drug Price (SDP) na ₱3,400.00; Isang (1) piraso ng genuine ₱1,000.00 bill na ginamit bilang buy-bust money;Isang (1) unit ng android cellphone.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay agad na minarkahan at inimbentaryo sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga kinatawang saksi mula sa Department of Justice (DOJ) at Barangay Officials ng Lullutan.
Ang nasabing suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang Ilagan Component City Police Station sa mahigpit at masigasig na pagpapatupad ng anti-illegal drug operations bilang ambag sa mas ligtas at maayos na pamayanan, tungo sa isang Liveable City by 2030.











