--Ads--

CAUAYAN CITY-Umabot sa mahigit 900 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa lungsod ng Cauayan ang hindi nakatanggap ng bigas ngayong buwan sa ilalim ng Isabela Recovery Initiatives to Support Enterprise (I-Rise).

Ayon kay Atty. Divina Joy Gonzales, PESO Manager ng Cauayan City, bumaba sa 3,461 ang bilang ng benepisyaryong TODA mula sa dating mahigit 4,000 noong nakaraang buwan.

Inasahan na raw ng ahensya ang pagkalito ng ilang TODA members sa pagkawala ng 20 kilo ng bigas na karaniwang natatanggap nila.

Paliwanag ni Atty. Gonzales, ang ilang driver at operator ay nakasama pa sa listahan noong Enero at Pebrero dahil hindi pa naaalis sa December 2024 registry.

--Ads--

Ngunit matapos ang renewal sa unang kwarter ng 2025, hindi na nakatanggap ang mga hindi nakapag-renew sa buwan ng Marso at Abril.

Binabalaan ng PESO Cauayan ang mga miyembro na kung hindi sila hahabol sa renewal, ay hindi rin sila makakatanggap ng bigas sa susunod na buwan.

Itinakda ang susunod na distribusyon sa darating na Agosto 26, 2025.

Nagpaalala ang ahensya na hindi sila nagkulang sa abiso, subalit ang ilang benepisyaryo ay hindi umano nakahabol sa cutoff dahil abala sa bukid.

Para sa renewal, kinakailangang magsumite ng mga sumusunod na dokumento kabilang ang existing franchise confirmation o operator ID,orihinal na kopya ng barangay certificate of indigency at photocopy ng alinmang valid ID.