Ikinatuwa ng hanay ng transportasyon ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) kaugnay ng pagpapanagot sa mga sangkot sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition, binigyang-diin nito na malaking suliranin ang baha para sa kanilang sektor dahil nakaaapekto ito sa kabuhayan ng mga driver at operator.
Umaasa si Lim na tutuparin ng Pangulo ang kanyang pangako na papanagutin ang mga mapapatunayang sangkot sa katiwalian. Gayunpaman, nagpahayag siya ng pagdududa sa sinabing pagtulong ng gobyerno sa maliliit na negosyante, lalo na’t hindi umano naaabot ng tulong ang mga maliliit na operator sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Nagpahayag din ng pangamba si Lim sa implementasyon ng libreng sakay para sa mga pasahero, na aniya’y posibleng makaapekto sa kita ng mga tsuper.
Samantala, positibo naman ang tugon ng transport sector sa plano ni Marcos kaugnay ng kalusugan gaya ng Zero Balance billing sa mga ospital ng DOH at libreng serbisyong medikal. Ngunit nananatili ang agam-agam ukol sa pinanggagalingan ng pondo para sa mga nasabing programa.
Ani Lim, posibleng manggaling ang pondo sa sahod ng mga ordinaryong manggagawang Pilipino.
Sa kabuuan, binigyan ni Lim ng gradong 70-75 ang SONA ng Pangulo, batay sa dami ng nailatag na programa ngunit may tanong pa rin kung maisasakatuparan ang mga ito.











