--Ads--

Nakulangan ang Economic Think Tank na IBON Foundation sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi niya na hindi sinasabi ng Pangulo ang buong katotohanan sa naging ulat nito sa bayan.

Maaring totoo aniya ang inilatag nitong programa sa sektor ng agrikultura subalit dapat naging tapat si Marcos na ang sektor ng agrikultura sa kaniyang panunungkulan ang pinaka-worst performing agriculture sa kasaysayan ng bansa dahil nasa 0.2% lamang ang paglago ng sektor sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Ito aniya ng magpapaliwanang kung bakit napakamahal ng presyo ng pagkain sa bansa.

--Ads--

Ayon kay Africa, wala ring kumpletong plano ang Pangulo sa pagpapalakas ng lokal na industriya sa bansa dahil tila walang hakbang ang administrasyon sa pagbibigay ng proteksyon at suporta sa mga local producers at hindi lang basta umasa sa band aid solutions.

Dapat aniyang gayahin ng Pilipinas ang Estados Unidos na may layuning protektahan ang kanilang lokal na industriya sa kabila ng pagiging makapangtarihang bansa nito.

Samantala, magandang bagay ang pagpapaimbestiga ni Marcos sa mga anumalya sa flood control project subalit tila nakalimutan ata aniya ng pangulo na siya rin ang pumirma sa bilyun-bilyong flood control projects.

Dahil dito ay kwestiyunable ang sinseridad ng Pangulo sa naturang imbestigasyon lalo na at malaking halaga ng pera ang kinakailangang I-audit kaya sigurado umanong magiginbg selective ang pag-audit sa pondong inilaan sa naturang proyekto.